isang gabi ako ay nagpapahinga, napansin ko ang bituinat ako ay tilang nakatulog, di ko napansin ang aking narating
ako raw ay nasa ibang mundo, kulay rosas ang ginto
ng ika'y aking unang nakita, araw ko ay sumaya
Ilang mega taon na rin ang nakalipas noong dinadayo namin ng walang kamatayan ang Kalye Bar sa Palanca. Isang daang piso, dalawang red horse, habang sigaw na hiling kantahin ng banda ang Beep Beep o Balong Malalim ng Juan de la Cruz. Ilang isang daang piso at red horse, ilang kanta na inihatid kami sa ibang lugar, sa ibang mundo sa loob ng ilang oras. Minsan naman sa ilalim ng buko, naka-upo sa mesang sira, walang pansin na sigaw nating kanta Ang Himig Natin habang naghihintay sa dagat ng Nasugbu. Nakapikit at kahit nakadilat, ang mundo sa harap natin ay totoo. Payapa, kasama ang kaibigang tunay, ang kinabukasan ay mararating pa lamang sa ibang daigdig.
Ngayon pagkaraan muli ng panahon, ang walang tigil na tinig nanaman ni Pepe Smith at Mike Hanopol ang maririnig sa loob ng sasakyan ko - mga parehong tugtugin at salita sa ibang lugar at mundo, lumalakbay sa iba't-ibang panahon. Isang kinabukasan na ang naabot at isa nanaman bahagi ng kinabukasan ang hinaharap. Walang tigil na bukas. Baka nga minsan, may mga taong pumipilit humawak sa nakaraan dahil walang maabot ngayon ni bukas. Kung minsan, kasama tayo sa mga taong ganon.
Ganon lang talaga ang buhay, sagana sa paglakbay - sa gawa, sa panahon at sa isip. Ngunit sa ating paglalakbay, di maari na parating masaya. At sa paglakbay natin, parating may magbabago at minsan nakakadala ito ng lungkot.. Kung minsan ganado tayo sa lahat ng pangyayari sa buhay natin at kung minsan nawawalan tayo ng gana. Yan ang mga panahon na binabalik-balikan natin ang kahapon. Lahat tayo dumadaan sa mga araw na ganito. Di ito kaka-iba.
Ngunit nakakalungkot rin talaga na pagkatapos ng tatlong pu't pitong taon ng Juan de la Cruz ay pinapakinggan ko pa rin sila.
*Ang album Maskara ay pasalubong ni jeanette, pangatlo ng Juan de la Cruz, inilabas ito noong 1975. Wala pa akong 5 taon noon.*